Kasaysayan
Ang U.P. Lipunang Pangkasaysayan (U.P. LIKAS) ay isang akademikong organisasyon na muling itinatag noong 1988 na nag-aadhikang mapagbuklod ang mga mag-aaral na nagpapakadalubhasa, may hilig at interes sa kasaysayan; mapalawak at mapalaganap ang kaalaman at kamalayang pangkasaysayan; mapaunlad ang disiplina ng kasaysayan; at higit sa lahat, mapaglingkuran ang mga mag-aaral ng pamantasan at sambayanang Pilipino sa pamamagitan ng “isang kritikal at mas makabuluhang pag-aaral ng kasaysayan” at pagpupunyagi para sa panlipunang pagbabago at pagbubuo ng Inang Bayan, bansa at sambayanan.
Nadalumat ng U.P. LIKAS ang mga adhikaing ito sa pagtunton sa sariling kasaysayan nito—kasaysayang hindi nagsisimula noong 1988 lamang kundi nag-uugat sa mga naunang organisasyong pangkasaysaysan sa Unibersidad ng Pilipinas (U.P.). Noon pa man, may mga itinatag nang organisasyon ng mga mag-aaral na nagpapakadalubhasa, may hilig at interes sa kasaysayan gaya ng U.P. History Club (1912-Dekada ’30); Clio Recognition Society (Dekada ’30-’60); U.P. History Club (Dekada ’60) at Clio (1970). Naging abala ang mga organisasyong ito sa pagtataguyod ng mga gawaing akademiko na tulad ng lakbay-aral, panggrupong talakayan, lektura-panayam, seminar, simposyum at marami pang iba.
Sa paglaganap ng kamalayang makabayan sa “panahon ng sigwa,” unang itinatag ang U.P. LIKAS noong 1971. Sa pamumuno ni Michael Gonzales, unang Pangulo ng U.P. LIKAS, naging hitik sa pakikilahok ang organisasyon sa mga isyu’t usaping panlipunan upang maitaguyod ang panlipunang katwiran at kaunlaran. Subalit nang pairalin ang Batas Militar noong 1972, kabilang ang U.P. LIKAS sa mga ipinagbawal na organisasyon sa U.P. Magkaganito man, bagamat maikling panahon lamang namayagpag ang unang U.P. LIKAS, naging makabuluhan naman ang naging paglahok nito sa samu’t saring pagkilos para sa panlipunang pagbabago at pagbubuo.
Noong 1973, nang pinahintulutan na muli ang pagkakaroon ng mga samahan sa U.P. sa kondisyong hindi ito “subersibo,” isa ang U.P. LIKAS sa pinayagang maitatag muli. Isinakatuparan ang pagbubuong muli ng organisasyon sa pamamagitan ng masigasig na kolektibong pamunuan na kinatawan ni Nilo Ocampo. Muling sumabak ang organisasyon sa pagsasagawa ng mga makabuluhang gawain. Sa mga unang taon nito, binigyang-diin ang mga gawaing akademiko. Naging tunguhin ng organisasyon ang pag-aambag sa kaalaman at kamalayang pangkasaysayan. Nagtaguyod ang organisasyon ng iba’t ibang talakayan at simposyum. Naglabas din ito ng opisyal na pahayagan na pinangalanang ang Likas. At higit sa lahat, naglathala ito ng natatanging dyornal pangkasaysayan, ang LIKAS, noong Disyembre 1976 na alay kay William Vincent “Billy” Acuña Begg, bayaning Likasyan na “nagbubo ng dugo para sa isang maaliwalas na kasaysayan ng sambayanan.”
Sa mga tagumpay na ito, hindi nangahulugang nalimita ang organisasyon sa mga isyu’t usaping akademiko. Patuloy ang masigasig na pakikilahok ng organisasyon sa mga pagkilos para sa panlipunang pagbabago at pagbubuo. Itinanghal ang kalayaang akademiko at kapangyarihan ng mag-aaral, kabilang ang U.P. LIKAS sa mga nakipaglaban para maibalik ang University Student Council (USC). Naging masigasig din ang organisasyon sa mga pagkilos laban sa mga mapaniil na patakaran ng pamahalaan sa ilalim ng Batas Militar. Sa muling paglaho ng organisasyon noong 1980 dahil sa kawalan ng kasapian at pamunuan, ilan sa mga kasapi nito ang aktibo sa kilusang makabayan at sandatahang pakikibaka. Bagamat mayroon pa ring ilang grupong bumuo ng mga organisasyon ng mga mag-aaral sa kasaysayan tulad ng U.P. History Society (HistSoc) noong 1981-1986, masasabing hindi ito nagkaroon ng malawak at malalim na pananaw pangkasaysayan.
Marahil itinakdang magkaroon ng organisasyong pangkasaysayan ang mga mag-aaral ng U.P. sa panahon ng pag-unlad ng “bagong kasaysayan,” kung kaya’t noong Ikalawang Semestre ng Akademikong Taon 1987-1988, sa pangunguna nina Myra Angeli Gallardo at Elsie Ramos, muling binuhay ang U.P. LIKAS. Sa pamamagitan ng 14 na katao na nagsilbing lupong ad hoc, itinatag ang U.P. LIKAS sa U.P. Faculty Center 2016. Si Ferdinand Llanes ang hinirang na unang Tagapangulo ng muling itinatag na organisasyon. Inilunsad ang organisasyon noong 13 Enero 1988. Kabilang sa mga unang kasapi sina Daisy Apolonio, Patricia Aquino, Enrico Azicate, Ferdinand Conel, Jose Antonio Custodio, Myra Angeli Gallardo, Ferdinand Llanes, Khadija Rosarita Mamorno, Roberto Mata, Patricia Mercado, Pamela Portugal, Rowena Quinto, Elsie Ramos at Ma. Cecilia Samonte. Naging unang Gurong Tagapayo sina Dante Ambrosio at Nilo Ocampo. Pagkatapos ng paglulunsad, pagpursige na ang organisasyon na “pumusisyon sa hanay ng mga mag-aaral at sa buong pamantasan bilang isang organisasyong may mabisang kakayahan na makibahagi sa pagtatadhana ng kabuuang hugis ng kolektibong pamumuhay at galaw sa pamantasan.” Kumilos ito tungo sa ikatataguyod ng dakilang adhikaing mapaglingkuran ang mga mag-aaral ng pamantasan at sambayanang Pilipino sa diwa ng panlipunang pagbabago at pagbubuo.
Malayo na rin ang narating ng U.P. LIKAS matapos ang humigit na dalawampung taon mula nang muling itatag ito. Naging matapat at matatag ang organisasyon sa mga adhikain nito na makikita sa mga naging gawain nito sa nakalipas na mga taon. Nagdaos ang organisasyon ng mga exhibit, lakbay-aral, pagpapalabas-pelikula, panggrupong talakayan, lektura-panayam, seminar, simposyum at palihan. Nakipagbuklod din ang U.P. LIKAS sa iba’t ibang institusyon na gaya ng U.P. Departamento ng Kasaysayan, College of Social Sciences and Philosophy (CSSP) at buong U.P. na makikita sa paglahok ng U.P. LIKAS sa Linggo ng Kasaysayan, Kapistahang Asyano, CSSP Student Council, Sinag: CSSP Official Student Publication, CSSP Academic Circle (ACADCIRCLE), Buklod CSSP, CSSP Paper Presentation Series (PPS), CSSP Organizations’ Fair (ORG FAIR), CSSP Week, U.P. Lantern Parade, USC, Alyansa ng mga Mag-aaral para sa Panlipunang Katwiran at Kaunlaran (ALYANSA), Freshmen Orientation Program Committee (FOPC) at Alternative Classroom Learning Experience (ACLE). Nakipagbuklod din ang organisasyon sa iba pang pampamantasan at pambansang institusyon at organisasyon tulad ng U.P. Lupon sa Sentenaryo, U.P. Office for Initiatives in Culture and the Arts (OICA), Asosasyon ng mga Dalubhasa, may Hilig at Interes sa Kasaysayan ng Pilipinas (ADHIKA ng Pilipinas), Bagong Kasaysayan/Bahay-Saliksikan sa Kasaysayan (BAKAS), Kaisahan para sa Kamalayan sa Kasaysayan (KAMALAYSAYAN), National Historical Institute (NHI) at National Commission for Culture and the Arts (NCCA). Nagtaguyod din ang U.P. LIKAS ng mga gawaing sibiko gaya ng pakikipagtulungan sa Gawad Kalinga at programang “Gib Lab” na naglalayong paligayahin at paglingkuran ang mga kapus-palad lalo na tuwing Kapaskuhan. Naglathala na rin ang organisasyon ng mga aklat na kinabibilangan ng Paksa, Paraan at Pananaw sa Kasaysayan na pinamatnugutan nina Ma. Bernadette Abrera at Dedina Lapar at Wika, Panitikan, Sining at Himagsikan na pinamatnugutan naman nina Atoy Navarro at Raymund Arthur Abejo. Noong Enero 2008, inilathala ang Kaalaman at Pamamaraan sa Pagtuturo ng Kasaysayan na pinamatnugutan nina Atoy Navarro, Alvin Campomanes at John Lee Candelaria. Higit sa lahat, nagtaguyod na ang U.P. LIKAS ng mga malawakang kumperensyang dinaluhan ng mga mag-aaral ng kasaysayan mula sa iba’t ibang paaralan, kolehiyo at pamantasan sa iba’t ibang panig ng Pilipinas (Pebrero 1989, Marso 1993, Hulyo 1994, Hulyo 1995, Hulyo 1996, Hulyo 1997, Agosto 1998, Agosto 1999, Agosto 2000, Setyembre 2001, Setyembre 2002, Setyembre 2003, Setyembre 2004, Agosto 2005, Agosto 2006, Agosto 2007, Agosto 2008, Agosto 2009) bukod pa sa lumahok ang organisasyon sa samu’t saring makabayang pagkilos ng kabataan at sambayanang Pilipino para sa panlipunang pagbabago at pagbubuo ng Inang Bayan, bansa at sambayanan.
Pinamalas din ng U.P. LIKAS ang kahusayan sa pag-awit sa pagwawagi ng Unang Gantimpala sa MusiKAPP (CSSP Carolfest), University Carolfest at Chillax (NCPAG Carolfest) noong Disyembre 2007.
Sa kasalukuyan, makaraang kilalanin ang marami sa mga kasapi nito sa larangan ng pamumuno at pagtatapos ng may karangalan at matapos kilalanin ito bilang Pinakamahusay na Organisasyon sa CSSP Week 2000, Chair Organization ng CSSP ACADCIRCLE 2000-2001 at 2008-2009, Pinakamahusay na Organisasyon sa CSSP ORG FAIR 2005 at Pinakamahusay na Organisasyon sa Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya sa KAGALINGANG KAPP noong 2008, 2010 at 2011. Tunay na masasabing patuloy na umuunlad ang U.P. LIKAS “tungo sa isang kritikal at mas makabuluhang pag-aaral ng kasaysayan.”
TALAAN NG MGA TAGAPANGULO:
- Ferdinand Llanes (1988-1989)
- Khadija Rosarita Mamorno (Tag-init 1989-Unang Semestre 1989-1990); Marita Castillo (Pansamantala 1989-1990); Roberto Mata (Ikalawang Semestre 1989-1990)
- Portia Reyes (1990-1991)
- Flordeliza Vargas (1991-1992)
- Raymund Arthur Abejo (1992-1993)
- Balthazar Arquillano (Tag-init 1993); Maureen Lontoc (1993-1994)
- Atoy Navarro (1994-1995)
- Sharon Maminta (1995-1996)
- Karren Velasquez (1996-1997)
- Christopher Millora (1997-1998)
- Esther Ruth Angela Tira (1998-1999)
- Warren dela Torre (1999-2000)
- Sarah Claire Sison (2000-2001)
- Bryan Pelandas (2001-2002)
- Janet Reguindin (2002-2003)
- Jely Galang (2003-2004)
- Joan Tara Reyes (2004-2005)
- Eduardo Junio (Tag-init 2005-Ikalawang Semestre 2005-2006); Kristyl Obispado (Ikalawang Semestre 2005-2006)
- Ros Costelo (2006-2007)
- Alvin Campomanes (2007-2008)
- Ayshia Kunting (2008-2009)
- Aaron Mallari (2009-2010)
- Laya Diokno (2010-2011)